The Bicol region was included in the Top 15 most tourist destinations in Southeast Asia, highlighting the popular attractions in the provinces of Albay and Sorsogon.

LEGAZPI CITY – Napabilang ang Bicol region sa Top 15 most tourist destinations sa Southeast Asia kung saan itinampok ang mga sikat na atraksyon sa mga probinsya ng Albay at Sorsogon.


Ayon kay Sorsogon Provincial Tourism Office Bobby Gigantone sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakakatuwang napabilang ang rehiyon sa ranking at kabilang sa mga consistent na destinasyong dinarayo ng mga dayuhang turista.


Tampok din ang mga iconic landmark ng turismo ng lalawigan tulad ng water falls at dolphin sa Donsol, white sand at pink beaches sa Subic Matnog.


Ito ay isang senyales para sa marketing at promotion aspects ng kanilang turismo gayundin ang pagpoposisyon ng Sorsogon bilang isa sa mga pangunahing atraksyong panturista hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.


Sinabi ng opisyal na kailangan ang kumbinasyon ng magagandang atraksyon, pasilidad, at kooperasyon ng mga lokal na residente at pamahalaan upang mapabilang sa mga nangungunang destinasyon ng turista.


Dahil dito, inaasahan niyang mas maraming tao ang bibisita sa kanilang lugar ngunit mayroon din aniyang gabay para mapanatili ang pagkakasama ng kanilang mga atraksyon sa nasabing ranking.


Malaking bagay din ito sa paglago ng ekonomiya dahil magreresulta ito sa mataas na antas ng pamumuhay, lilikha ng maraming trabaho, at magpapakita na may umiikot na salapi sa loob ng lalawigan.


Binigyang-diin ni Gigantone na maaari rin itong magamit sa maraming investments gaya ng pagbranch-out ng mga hotel, iba’t ibang negosyo na maaari ring mapabuti ang mga sektor ng lalawigan tulad ng sektor ng transportasyon.