LEGAZPI CITY – Tiniyak ng Police Regional Office 5 na walang mangyayaring VIP treatment kaugnay ng pagsuko ng 10 dating pulis na suspek sa pamamaslang sa aide ni dating Biliran Rep. Glenn Chong.
Mismong ang mga ito umano ang nakipag-ugnayan sa pulisya sa Bicol para sa gagawing pagsuko at pormal nang pagharap sa murder charges sa krimen na nangyari noon pang 2018.
Ayon kay PMaj. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng PRO5, pinili umano ng mga suspek na sa Bicol sumuko dahil sa tiwala sa regional command at seguridad sa gagawing hakbang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nilinaw naman ni Calubaquib na kaisa ang Bicol PNP ng mga biktima sa pagkamit ng hustisya at hindi magpipikit-mata ang organisasyon sa mga mali.
Samantala, nakatakdang iturnover ang mga ito sa pulisya ng Antipolo upang kaharapin ang kaso sa court of origin.