LEGAZPI CITY – Tiniyak ng Police Regional Office 5 (PRO5) na hindi magtatapos sa paghahain lamang ng kaso ng nilikhang Special Investigation Task Group (SITG), ang hakbang kaugnay ng pagkasawi ni Pat Jaypee Ramores sa akusasyon ng hazing.
Kahapon nang pormal nang sampahan ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 ang 21 tauhan ng 503rd Maneuver Platoon, Regional Mobile Force Battalion 5 na sinasabing responsable sa insidente.
Sa inilabas na pahayag ng Bicol PNP, siniguro din ang accessibility sa impormasyon habang nagpapatuloy ang mga pagdinig.
“PRO5 also upholds that investigation on the incident will not stop from the filing of cases by the Special Investigation Task Group (SITG) but it shall likewise put great emphasis on ensuring the accessibility of information while the trial is ongoing.
Moreover, this unit also encourages other personnel who have experienced the same to speak out and let their voices be heard. PRO 5 aims not only to serve justice to the victims but also to end these derogative and offensive initiation rites.”
Maliban pa sa criminal complaints, mahaharap din ang mga suspek sa kasong administratibo partikular na sa Grave Misconduct na hahawakan ng Regional Internal Affairs Service (RIAS) 5.
Hinikayat naman ng PRO5 ang iba pang nakaranas ng kaparehong sitwasyon na lumabas at magpahayag din upang mabigyan ng kaukulang hustisya laban sa mga mapang-abusong initiation rites.
Kung babalikan, Hulyo 26 nang masawi si Ramores na nakatalaga sa 503rd Maneuver Platoon sa San Jacinto, Masbate matapos mahimatay habang nasa regular na road run.
Lumabas naman sa pagsusuri sa mga labi nito na nagtamo si Ramores ng maraming pasa sa katawan, paso sa dibdib, habang may mga sugat din sa iba pang bahagi ng katawan kabilang na ang mga tuhod at mga paa.