LEGAZPI CITY – Binigyang-pagpupugay ng Police Regional Office 5 (PRO5) ang kabayanihan ng nasawing kasapi ng Albay First Provincial Mobile Force Company sa nangyaring ambush sa Jovellar, Albay.

Patay si PCpl. Emerson Belmonte sa pananambang sa Brgy. San Isidro habang sugatan rin sina PCpl Marlon Beltran, Pat Roy Resurreccion at Pat John Mark Paz.

Napag-alaman na si Belmonte ay kasapi ng Masarag Class of 2015-03.

Pinaniniwalaang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) ang nasa 20 katao na naka-engkwentro ng tropa.

Kasunod nito, hangad ng regional police office sa Bicol ang hustisya sa pagkamatay ng kasapi.

Samantala, una nang inihayag ni PCapt. Millard Bongalon, hepe ng Jovellar PNP sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mayroon pang presensya ng mga armadong grupo sa lugar.

Kahit nalagasan ng isang miyembro, magpapatuloy naman umano sa pagsisilbi sa bayan upang makuha ang kapayapaan.