LEGAZPI CITY- Isinailalim na sa “blue alert” status ang Bicol Regional Disaster Risk Reduction and Management Council Emergency Operations Center bilang paghahanda sa dadalhing epekto ng Bagyong Bising sa rehiyon.

Kahapon, nagsagawa na rin ng pre-disaster risk assessment para sa sama ng panahon sa pangunguna ng Office of the Civil Defense (OCD) Bicol kung saan inilatag ng mga member agencies ang kani-kaniyang preparedness plans.

Paalala rin ang pagsasaalang-alang sa pagsunod sa COVID-19 measures.

Batay sa forecast track ng PAGASA posibleng gabi ng Sabado, Abril 17 paunti-unting mararamdaman ang epekto ng bagyo sa Bicol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay OCD Bicol spokesperson Gremil Naz, ipinag-utos na ang “No Sail Policy” para sa mga mangingisda epektibo Abril 17 hanggang ganap nang ma-lift ang cyclone warning signals.

Iniiwasan lamang umanong matulad sa mga pangyayari sa nagdaang kalamidad na nakapagtala ng casualty.

Sa hiwalay na abiso naman ng Land Transportation Office (LTO) Bicol batay sa pakiusap ng OCD Bicol, pansamantalang kinansela mula alas-12:00 mamayang tanghali ang biyahe ng mga rolling cargoes na patungong Visayas at Mindanao.

Photo courtesy of MDRRMO Matnog