LEGAZPI CITY – Ibinida ng Department of Agriculture Bicol na mataas pa rin ang rice production sa rehiyon sa kabila ng epekto ng El Niño phenomenon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Agriculture Bicol spokesperson Lovella Guarin, 112% na rice sufficient ang Bicol at sa katunayan ay nasa top 5 bilang large rice producing region sa bansa.

Nasa 600,000 me metric tons mula sa 106,000 na ektarya ng sakahan ang inaasahang maaani ngayong summer season.

Ayon kay Guarin, hindi pa tapos ang anihan subalit tiyak na mas mataas ito kumpara noong nakaraang taon na naapektuhan ng shearline at walang patid na pag-ulan.

Maaga aniya na nakapagtanim ang mga magsasaka kaya’t agad na nakapag-ani sa buwan pa lang ng Marso at ngayong Abril.

Subalit sa kabila nito, aminado si Guarin na nakapagtala pa rin ng pinsala dahil sa epekto ng El Niño na umaabot sa P352.9 million ang production loss sa sektor ng agrikultura.

Tiniyak naman ng opisyal na may ginagawa ng intervention ang tanggapan upang matugunan ang epekto ng El Niño sa mga magsasaka.