LEGAZPI CITY- Nakapagtala na ang Department of Agriculture Bicol ng inisyal na P25 million na pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa bagyong Carina.
Ayon sa tagapagsalita ng tanggapan na si Lovella Guarin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na may mga sakahan ang binaha sa mga lalawigan ng Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon at Albay.
Nabatid na nasa 2, 120 na mga magsasaka ang apektado na nakakasakop sa 1, 098 hektarya ng sakahan.
Karamihan umano sa mga ito ay bagong tanim pa lamang kaya hindi gaanong makaka apekto sa suplay ng pagkain sa rehiyon.
Iginiit pa ng Department of Agriculture na hindi dapat magkaroon ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin dahil minimal lang naman ang epekto ng sama ng panahon sa rehiyon.
Sa kasalukyan ay may mga bayan pang hindi nakakapagsumite ng kanilang report kaya inaasahan na madadagdagan pa ang halaga ng pinsala.
Samantala, siniguro naman ni Guarin na may mga nakahanadang binhi na maaaring ipamahagi sa mga apektadong magsasaka.