LEGAZPI CITY- Nakapagtala ng pagtaas sa dengue cases sa Bicol region sa unang walong buwan ng taon.

Ayon kay Department of Health Bicol Center for Health Development Medical Officer III Mildred Tianes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na simula Enero 1 hanggang Agosto 17 ay nakapagtala na ng nasa 1, 386 na mga kaso ng dengue na mas mataas ng 78% kumpara noong nakalipas na taon.

Nilinaw rin ng opisyal na ang naturang tala ay mula lamang sa mga sentinel hospitals at hindi pa kasama ang mga nagpakonsulta sa mga pribadong ospital.

Sa kaparehong panahon rin ay nakapagtala na ng siyam na dengue related deaths.

Sa kabila nito, sinabi ni Tianes na hindi naman dapat mabahala ang publiko dahil noong nakalipas na 2023 ay nakaranas ng El Niño kaya mababa ang mga naitalang kaso ng sakit.

Dagdag pa nito na hindi pa naman kinakailangan na magdeklara ng outbreak dahil kontrolado pa ang sitwasyon.

Samantala, nagpaalala ang opisyal na kinakailangan pa ring mag-igat ng publiko at siguraduhing nalilinisan ang mga posibleng pamugaran ng lamok.