LEGAZPI CITY – Hindi pa man dumarating ang pagpalit ng taon marami na ang nabibiktima ng paputok sa Bicol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Samuel David Banico, Senior Health Program Officer ng Department of Health Region V, sa pinakahuling datos nakapagtala na ng apat na fireworks-related injuries sa rehiyon.
Mula sa Camarines Sur ang dalawang biktima ng paputok, isa sa Camarines Norte at isa sa Albay.
Napag-alamang lahat mga bata ang mga naputokan na edad 7-anyos at 15-anyos.
Nagpalabas na ng advisory ang tanggapan kaugnay sa paggamit ng improvised canons o boga matapos magpalabas ng report na tatlo sa apat na naputukan ay dahil sa naturang iligal na paputok.
Ayon kay Banico, labis na delikado ang paggamit ng naturang boga dahil pwedeng maputulan ng daliri o alinmang bahagi ng katawan na tatamaan nito.
Pinaalalahan rin ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak na karaniwang biktima paputok.
Maging ang mga lokal na pamahalaan ay inalerto na ng tanggapan na bantayan ang nasasakupan upang makaiwas sa fireworks-related injury.
Hinikayat din ang publiko na kung maaari’y iwasan na lang ang paggamit ng paputok upang hindi masangkot sa anumang disgrasya at gawing ligtas ang pagsaluong ng Bagong Taon sa pamamagitan ng alternatibong pampaingay.