LEGAZPI CITY- Nagpahayag ng kahandaan ang Department of Social Welfare and Development Bicol na magpadala ng augmentation support sa mga biktima ng pag-aalburuto ng Bulkang Kanlaon.
Ayon kay DSWD Bicol Director Normal Laurio sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na may mga naka-standby na family food packs ang tanggapan upang ipadala sa mga apektado ng aktibidad ng naturang bulkan.
Subalit sa kasalukuyan ay sapat pa naman umano ang naipapamahagi sa mga lumikas na residente.
Samantala, inihayag ng opisyal na matapos ang pag-aalburuto ng Bulkang Kanlaon ay agad na nagbigay ng direktiba si Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na maghanda rin ang Bicol region dahil sa binabantayang mga aktibong bulkan, partikular na ang Bulusan volcano.
Katunayan, nagpadala na umano ng karagdagang mga stanby food packs sa mga bayan ng Irosin, Juban at Bulan.
Dagdag pa ni Laurio na regular rin ang isinasagawa nilang inspeksyon sa mga lugar na nagsisilbing evacuation center tuwing nagkakaroon ng aktibidad ang bulkang Bulusan.