Bicol-Jeepney Drivers and Operators gustong idaan sa usapan ang jeepney phase-out kaysa sumali sa transpot strike

111

LEGAZPI CITY- Nilinaw ng local transport group na Bicol-Jeepney Drivers and Operators ang rason kung bakit hindi sila sumama sa isinagawang nationwide transport strike.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Tom Magallon, Acting Regional President ng Bicol-Jeepney Drivers and Operators, napagdesisyunan ng kanilang grupo na huwag sumama sa isang linggong tigil-pasada dahil sa kagustuhan na idaan muna sa pag-uusap ang sitwasyon at isyu patungkol sa Jeepney Phase-out.

Umaasa pa umano silang makipag-usap at makinig ang gobyerno partikular na ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang magkaroon ng pagbabago sa planong modernization sa sektor ng transportasyon.

Aminado naman si Magallon na mabigat sa bulsa ang presyo nang gusto ng gobyerno na istilo ng modern jeepney, kung saan hindi umano ito kakayanin ng mga driver at operator.

Dagdag pa ng grupo, magugutom sila sakaling matuloy ang Memorandum Circular o ang pagpapatupad ng Jeepney phase-out sa Hunyo 30.

Maliban sa mga tsuper, sigurado rin anya na maapektuhan maging ang mga komyuter, dahil sa posibloeng ipasa sa mga pasahero ang dagdag na singil sa pamasahe upang makabawi sa ginastos upang mabili ang mahalo na sasakyan.

Dahil dito, nanawagang ang Bicol-Jeepney Drivers and Operators sa gobyerno na imbes na phase-out, rehabilitasyon ang ipatupad solusyon upang mapaganda ang sektor habang natutulungan din ang mga ordinaryong tsuper.