LEGAZPI CITY – Pumalo na sa kabuuang 235 ang nagpositibo sa coronavirus disease sa Bicol batay sa tala ng Department of Health Center for Health Development (DOH CHD) – Bicol.
Kasunod ito ng pagpositibo ng apat na panibagong kaso kabilang na ang kauna-unahang nagpositibo sa bayan ng Placer, Masbate.
Si Bicol #232 ay 31-anyos na babae na napag-alamang bumiyahe mula sa Marikina at dumating noong Hunyo 26 habang asymptomatic sa ngayon.
Mula naman sa lungsod ng Legazpi si Bicol #233 na 46-anyos na lalaki. Galing umano ito sa Makati City na kadarating lamang noong Hulyo 11 at asymptomatic din.
Bumiyahe naman mula sa Quezon City at dumating noong Hulyo 5 sa Tabaco City si Bicol #234, 23-anyos. Unang nakitaan ng mga sintomas noong Hulyo 10.
Kapitbahay ni Bicol #209 ang isa pang panibagong nagpositibo na si Bicol #235, 29-anyos na lalaki mula sa Manito, Albay. Nakaramdam ng sintomas noong Hunyo 25.
Pawang nasa LGU quarantine facility na ang mga ito sa kasalukuyan.
Nadagdagan naman ng isa ang recovery sa rehiyon kaya’t pumalo na sa 98 ang gumaling sa COVID-19 habang walo naman ang iginupo ng sakit.
Sa ngayon, nasa 129 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Bicol.