LEGAZPI CITY-Patuloy ang isinasagawang pagbabantay at pagbibigay abiso sa publiko ng Bureau of Fire Protection Aroroy sa Masbate para maiwasan ang paggamit ng paputok ngayong holiday season para maiwasan ang anumang insidente.
Ayon kay Aroroy Fire Station Officer-in-Charge Senior Fire Officer 1 Alvin M Dela Peña, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na magtatagal ang kanilang “Oplan Iwas sa Paputok” hanggang January 7, 2026.
Nakikipag-ugnayan na rin ang kanilang ahensya sa Business Permit and Licensing Office at Philippine National Police para sa mga kumukuha ng permit sa pagtitinda ng mga paputok.
Matatandaan rin umano na noong nakaraang taon, nabigyan ng award ang Aroroy Masbate bilang walang nakakuhang permit sa pagtitinda ng paputok, kung saan naging ligtas ang kanilang bayan at ang kanilang mga mamamayan.
Mas magandi rin aniya, ito upang maiwasan ang mga injury na may relasyon sa paggamit ng mga fire crackers.
Dagdag pa ng opisyal na makakapagtinda lamang nito kung makakuha ng permit sa PNP headquarters unit at dapat aprubado ng Local Government Unit (LGU) kung saan sila magtitinda para malaman na ligtas ang lokasyon nito.
Patuloy rin ang kanilang isinasagawang inspeksyon sa mga barangay at ukol sa fire prevention activity, pagbibigay ng mga flyers, maging ang pagsasagawa ng bandilyo sa mga lugar kabilang na ang mga terminal.
Isinasagawa nila ito para ipaabot sa publiko ang importansya ng pag-iwas sa paggamit ng mga paputok.











