LEGAZPI CITY- Nagbabala ang mga kinauukulan sa publiko na maging maingat lalo na sa mga magtutungo sa mga beach resorts.
Ito matapos ang pagkamatay ng isang beachgoer sa Albay matapos madikitan ng nakakalason na dikya o box jellyfish.
Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol Spokesperson Rowena Briones sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tuwing buwan ng Marso hanggang Hunyo ay karaniwang dumadami ang sightings ng dikya dahil sa mainit na temperatura.
Paliwanag ng opisyal na matatagpuan sa mga karagatan ng Bicol ang isa sa pinakanakakalason na uri ng jellyfish na mas kilala bilang box jellyfish.
Dahil dito ay patuloy umano ang paalala sa mga turista na alamin muna ang sitwasyon sa resort na kanilang pupuntahan.
Dagdag pa ni Briones na mahalaga rin na maglagay ng warning signs ang mga resort owners kung sakaling may sightings ng jellyfish sa kanilang lugar.
Aminado kasi ang opisyal na marami pa rin ang hindi sumiseryoso sa banta ng dikya subalit dapat na maunawaan ang panganib ng mga nakakalason na jellyfish.