supply ng tilapia

LEGAZPI CITY- Pinawi ng mga kinauukulan ang pangamba ng mga Albayano na maapektuhan ang supply ng tilapia at ilan pang uri ng isda dahil sa epekto ng ashfall mula sa bulkang Mayon.

Batay kasi sa tala ay 39 na sa 60 na mga fish ponds sa Albay ang naapektuhan ng pagbagsak ng abo mula sa bulkan.

Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol Spokesperson Rowena Briones sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tinatayang nasa mahigit P470,000 na ang pinsala sa aquaculture sa lalawigan.

Ang naturang tala ay mula sa mga bayan ng Malilipot at Daraga.

Sinabi ng opisyal na wala pang dapat ikabahala ang publiko sa supply ng tilapia dahil maraming mga lalawigan pa naman ang nagsu-supply sa Albay.

Dahil dito ay natutugunan pa ang pangangailangan sa kasalukuyan sa kabila ng epekto sa fishponds sa Albay.

Samantala, sinabi ni Briones na hindi pa sila nakakapamahagi ng mga fingerlings sa ngayon sa mga apektadong palaisdaan dahil wala pang paglalagyan ang mga ito dahil nagpapatuloy pa ang aktibidad ng bulkang Mayon.