LEGAZPI CITY- Ipinaliwanag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol ang ilan sa mga dahilan ng pagkaka padpad ng oarfish sa ilang mga baybayin.
Ito matapos na magdulot ng pagkamangha at tila pangamba sa ilang mga residente ang natagpuang oarfish sa Libon, Albay.
Ayon kay BFAR Bicol Spokesperson Rowena Briones sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na natural habitat ng mga oarfish ang pinakamalalim na bahagi ng dagat kaya hindi ito gaanong nakikita ng mga tao.
Aniya, napupunta lamang ito sa mga baybayin kung nagkakaroon ng disturbances sa kanilang natural habitat gaya ng malalakas na alon at pagbabago sa temperatura.
Mayroon rin umanong pagkakataon na sinusundan ng naturang aquatic animal ang kanilang pagkain na posibleng inaanod sa mababaw na parte ng karagatan.
Samatala, iginiit ni Briones na walang basehan ang paniniwala ng ilang mga residente na nasusundan ng sakuna ang paglitaw ng mga oarfish.
Paliwanag ng opisyal na walang anumang scientific basis ang ganitong mga paniniwala kaya patuloy ang kanilang pagpapabatid ng impormasyon sa publiko kung paano pangangalagaan ang mga aquatic animals.











