LEGAZPI CITY—Sugatan ang isang walong taong gulang na lalaki matapos sumiklab ang sunog sa isang tindahan sa gitna ng malakas na pag-uulan sa Barangay San Vicente, Libon, Albay.
Ayon ki Bureau of Fire Protection Libon Deputy Fire Marshal Senior Fire Officer 4 Allan Saculsan, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na agad namang binigyan ang bata ng kaukulang atensyong medikal ng mga awtoridad.
Aniya, ayon sa salaysay ng may-ari ng tindahan na habang nararanasan ang malalakas na pag-uulan sa kanilang lugar ay nakarinig umano siya ng pagsabog sa kaliwang bahagi ng kanilang tindahan kung saan nakita na niya rito na nasusunog na ang kanilang establisyimento.
Sinubukan nilang gumamit ng fire extinguisher upang mapatay ang apoy ngunit dahil lumaki na ito ay humingi na sila ng tulong sa ibang kasamahan.
Sinabi ni Saculsan na agad naman na naapula ang apoy sa tulong ng mga lokal na residente at ng kanilang ahensya.
Dagdag pa ng opisyal na partially damage ang tinamo ng naturang nasunog na tindahan.
Sa kasalukuyan patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.
Inabisuhan din ni Saculsan ang publiko na iwasan muna ang pag-live sa social media o pagkuha ng mga video sa ganitong mga insidente at unahin na magtulungan upang maapula ito.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na laging i-check ang mga electrical appliances, electrical wirings at installation sa kanilang mga bahay dahil isa ito sa mga pinagsisimulan ng sunog.
Gayundin na ipaayos sa isang lisensyadong electrician ang anumang sira o lumang wires upang maiwasan ang mga ganitong insidente.