LEGAZPI CITY—Nailigtas ang isang 15 taong gulang na lalaki matapos itong umakyat sa Easter Angel Tower sa compound ng isang simbahan sa Barangay Caloocan, Matnog, Sorsogon.
Ayon kay Bureau of Fire Protection Matnog, Municipal Fire Marshal, Senior Fire Officer 4 Rene Ariate, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pagdating sa lugar ay sinuri nila ang sitwasyon at tinukoy kung ano ang pinakaligtas na paraan para iligtas ang nasabing indibidwal.
Aniya, isa sa mga kinaharap nilang paghihirap ay ang mga usisero na residente na kung saan maaari itong makagambala o mas magpa-trigger pa sa emosyon ng bata.
Sinabi ni Ariate na umabot sa 30 minuto ang pagligtas sa naturang persona.
Tumulong din sa pagsagip dito ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management at Philippine National Police.
Matagumpay na nailigtas ang batang lalaki at nai-turn over na sa pulisya para sa karagdagang imbestigasyon.
Nakipag-ugnayan na rin umano sila sa social welfare at development para sa psychosocial support sa bata.
Samantala, apela nito sa mga mamamayan ng Matnog na agad na tumawag sa kanilang tanggapan sakaling magkaroon ng emerhensya na nangangailangan ng tulong ng kanilang ahensya.