LEGAZPI CITY – Naantala ang inaasahang pagdating ngayong araw ng ayudang 20, 000 sako ng bigas mula sa Oriental Mindoro para sa mga apektado ng coronavirus crisis sa Bicol.
Ito ay matapos na sumadsad sa bato ang barkong kinakargahan at magdadala sana ng sako-sakong bigas sa rehiyon.
Inihayag ni NFA Bicol Director Henry Tristeza sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ayon sa contact sa lugar sumadsad sa bato ang barko dahil sa mababaw na lebel ng tubig kaya’t hinintay pa ang high tide para maipagpatuloy ang pagkarga.
Isa pa sa nagpapatagal sa pagkarga ang lagay ng panahon sa Oriental Mindoro kung saan naghahatid ng mga pag-ulan ang easterlies kaya’t napipilitang pansamantalang itigil ang loading upang hindi mabasa ang mga bigas.
Paunti-unti namang dumarating ang mga ibinabiyahe sa truck na umabot na sa 8, 500 sako patungong Camarines provinces at Sorsogon.
Sa ngayon, pumapalo na sa 252, 000 sako ang pending requests ng mga lokal na pamahalaan sa NFA Bicol.