LEGAZPI CITY-Tinuturing bilang may pinakamalaking populasyon ang Barangay Taysan sa buong lungsod ng Legazpi City basado sa survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay Kapitan Benjamin Rosin, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi City, ito ay bunsod ng paglilipat ng mga naapektuhan ng nakaraang bagyo mula sa ibang bahagi ng Legazpi patungo sa kanilang resettlement sites.
Dagdag pa ng opisyal, mula nang maupo siya bilang chairman ng nasabing barangay, umabot na sa 19,000 ang populasyon at sa kasalukuyan nasa 20,000 na ito.
Taon-taon tumataas ang populasyon sa nasabing barangay mula pa noong 2000 hanggang 2017 dahil sa mga resettlement areas ng mga biktima ng nakaraang bagyong reming.
Sa panahon ng transisyon, nagbigay din ng tulong at sustento ang lokal na pamahalaan para sa pangangailangan ng mga residente.
May mga hakbang din aniya hinggil sa mga problema at suporta sa kalusugan hinggil sa family planning na ipinatupad kasama ang Barangay Service Point Officer (BSPO).
Nagsasagawa rin ang barangay ng mga seminar at training sa pamamagitan ng Gender and Development (GAD) Program.
Dagdag pa ng opisyal, hindi nila ito nakikitang disadvantage at inaasahan nilang tataas ang populasyon sa lugar at bukas ang kanilang resettlement site para sa mga maapektuhan ng posibleng bagyo.