
LEGAZPI CITY – Iginiit ng isang election watchdog group na dapat ituloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong taon.
Ito ay kasunod ng mga usap-usapan partikular na noong bumisita si Secretary of the Interior and Local Government Jonvic Remulla sa lalawigan ng Albay kung saan sinabi nitong tanging pirma na lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hinihintay para sa pagpapaliban ng halalan at gaganapin na lang umano sa Nobyembre 2026.
Ayon kay Kontra Daya Convenor Prof. Danilo Arao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kailangan itong isagawa ngayong taon dahil ilang beses na itong ipinagpaliban mula nang makansela ang BSKE noong 2020 dahil sa Covid 19 pandemic.
Aniya, ito ay hindi lamang pagpapaliban kundi pagpapalawig pa ng termino ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay na lumalabas bilang pabuya sa kanila partikular na ang mga kaalyado ng mga nasa posisyon.
Magkakaroon din ito ng domino effect dahil kapag apat na taon na ang termino ng mga barangay officials, ang mga nasa local level positions mula Provincial Governor hanggang City/Municipal Councilor ay hihingi din ng extension at ang mga nasa national level ay hihingi din ng extension.
Nakikita rin niya na politically motivated ang kanselasyon ng nasabing halalan dahil karamihan sa mga pulitiko ay magkakaroon ng panahon na maupo ang kanilang mga kaalyado sa barangay level.
Makikinabang din ito sa mga mayayaman at makapangyarihang politiko dahil magkakaroon sila ng pagkakataon na madagdagan ang kanilang mga kakampi sa mga vote-reach regions na tutulong din sa kanila para sa 2028 Presidential Election.
Nilinaw din ni Arao na walang masama kung ibaluktot ang batas kung ang mamamayan ang makikinabang ngunit sa nasabing talakayan ang makikinabang ay ang mga gustong maupo sa Barangay at National Positions.