LEGAZPI CITY- Plano rin ngayon ng grupong Bantay Bigas na maghain ng hiwalay na petisyon sa Office of the President upang ipanawagan ang pagbasura sa kautusang nagbabawas ng taripa sa imported na bigas.
Ito ay kasunod ng paghahain ng ilang grupo ng mga magsasaka ng petisyon sa Korte Suprema na nananawagan na ideklarang unconstitutional ang Executive Order 62.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo sinabi nitong posibleng gawin ang hakbang ngayong linggo.
Paliwanag ng grupo na mas nais nilang ihain ang petisyon sa Office of the President dahil may kapangyarihan ang pangulo na tuluyang ipawalang bisa ang kautusan na effective na simula ngayong araw.
Sa kasalukuyan ay inihahanda pa rin kasi ang mga datos na ilalagay sa kanilang petisyon.
Samantala, nanawagan rin si Estavillo sa mga magsasaka at mga consumers na magsagawa ng mga kilos-protesta upang ipakita ang pagkontra sa Executive Order 62 na pinangangambahang magresulta sa P80 billion na pagkalugi sa mga magsasaka.