Bansang Japan nagpaabot ng sako-sakong bigas para sa mga residenteng apektado ng aktibidad ng Bulkang Mayon
LEGAZPI CITY-Pinasalamatan ng provincial government ng Albay ang bansang Japan na nagpaabot ng tulong para sa mga residente apektado ng patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.

COURTESY: DSWD

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Provincial Government Admin Aide I Lorena Quising, nasa 300 metric tons ng bigas ang ibinigay ng Ministry of Agriculture, Forestry and Fisheries ng bansang Japan.

Mismong ang mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development at National Food Authority ang tumanggap ng sako-sakong bigas mula sa mga representante ng Japan.

Ayon kay Quising, malaking bagay na ito lalo pa at nangangailangan ng tulong ang provincial government para sa pagbibigay ng ayuda sa mga residenteng nasa dalawang buwan ng nananatili sa evacuation centers.

Samantala, maliban sa bansang Japan, nakahanda rin umano ang South Korea na magbigay rin ng donasyon para sa mga apektado ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon na nananatiling nakataas sa alert level 3.