LEGAZPI CITY – Nakikipagtulongan na ang Philippine National Police sa mga opisyal ng katabing barangay at bayan upang makilala ang pugot na bangkay ng isang lalaki na nadiskobre sa Barangay Boñga, Legazpi City, Albay.
Sa panayam Bombo Radyo Legazpi kay Pol. Lt. Col. Dennis Balla ang hepe ng Legazpi City Police Station, base sa kanilang imbestigasyon, lumalabas na itinapon lang sa masukal na bahagi ng barangay ang bangkay ng biktima na nakasuot ng kulay gray na short at natatabunan ng kumot at duyan.
Ayon kay Balla, posibleng sa ibang lugar itinapon ang ulo nito na hindi na nahanap pa ng kanilang mga tauhan sa paghahalugad sa lugar.
Hinihintay naman ngayon ang resulta ng eksaminasyon ng Scene of Crime Operations (SOCO) upang malaman kung ano ang posibleng ginamit sa pagpugot sa ulo ng biktima at kung may iba itong tama sa katawan.
Nanawagan naman ang PNP sa sino mang may nawawalang kaanak na agad na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan upang makilala kung ito na ang kanilang hinahanap.