LEGAZPI CITY- Patungo na sa Northern Samar ang mga lokal na opisyal at ang pamilya ng nawawalang mangingisda sa Masbate, upang kunin ang katawan ng biktima.
Maaalala na nabangga ng isang barko ang sinasakyang bangka ng biktima at naideklarang nawawala halos isang buwan na ang nakakalipas.
Ayon kay Barangay Kagawad Lhay Dela Peña sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na pansamantala munang nagpahinga ang team sa Ticao Island dahil alanganin na ang oras at magpapatuloy sa pagbiyahe ngayong araw upang makarating sa Capul island sa Samar.
Sinabi ng opisyal na bago pa man sila magtungo sa lugar ay agad silang nakipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal upang masiguro ang pagkakakilanlan ng naturang biktima.
Dahil nasa state of decomposition na ay pansamantala munang inilibing ang katawan ng naturang mangingisda bago ang nakatakdang pagbabalik nito sa Masbate.
Mahalaga umano na maibalik ang biktima sa pamilya nito upang mabigyan ng mas maayos na libing.
Samantala, bitbit naman ng mga responder ang mga kaukulang dokumento upang walang maging problema sa pagbabawak ng katawan ng biktima sa lalawigan ng Masbate.