LEGAZPI CITY — Naiuwi na sa Ragay Camarines Sur ang katawan ng sundalong nalunod sa ilog sa Brgy Pagsangahan, San Miguel, Catanduanes.
Ayon kay Police Senior Master Sergeant Francis Madrid, PNP Investigator ng San Miguel MPS, nakadestino sa nasabing bayan si Private Rodney De Jesus nang mangyari ang insidente.
Base sa isinagawang imbestigasyon, alas-11 noong Pebrero 28 nang subukan ng biktima at apat pa nitong kasama na tumawid sa ilog upang manguha ng mga gulay ngunit pinaniniwalaang napunta sa malalim na parte ng ilog si De Jesus dahilan upang madala ito ng malakas na agos ng tubig.
Sinubukan pa umano ng mga kasamahan nitong hanapin si De Jesus ngunit hindi na ito natagpuan kaya’t ipinaalam na sa MDRRMO ng San Miguel, bandang alas-8 na ng umaga, Marso 1 nang marecover ang biktima sa Brgy Balatohan.
Paliwanag ni Madrid, may pulso pa si De Jesus nang marecover kaya’t sinubukan pa itong i-revive at idala sa Rural Health Unit ng nasabing bayan, ngunit dahil sa may kalayuan mula sa lugar, Dead on Arrival na ito nang dumating sa ospital.
Sa ngayon ay naibyahe na ang katawan sa Ragay, kung saa nakatira ang biktima.
Samantala, nagpaalala naman ang mga awtoridad na umiwas nang tumawid o lumangoy sa mga ilog lalo pa kung masama ang panahon at umuulan.