LEGAZPI CITY – Iniimbestigahan na ng Philippine National Police kung ano ang posibleng motibo at kung sino ang suspek sa insidente ng pananaksak sa isang babae sa Barangay Magapo sa lungsod ng Tabaco.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pol. Lt. Col. Jonathan Lladoc ang hepe ng Tabaco City Police Station, nakatanggap ng report ang kanilang himpilan tungkol sa nadiskobreng bangkay na tadtad ng saksak sa isang kanal.

Napag-alam na residente lang din ng lugar ang biktima na may live in partner at dalawang anak.

Tadtad ng saksak ang katawan nito na may tama sa likod, leeg, tiyan at iba pang bahagi ng katawan.

Ayon kay Lladoc, nakikipag-ugnayan na ang kanilang mga tauhan sa mga residente na nakarinig umano ng ingay bago matagpuan ang bangkay ng biktima ilang metro ang layo mula sa kanilang tahanan.

Pahirapan naman ang paghahanap ng ebidensya at testigo lalo’t nasa mabundok na bahagi na ng lugar ang barangay at magkakalayo ang mga tahanan.

Tiniyak naman ng Philippine National Police na tutugisin ang suspek sa krimen at ibibigay ang hustisya sa pamilya ng biktima.