LEGAZPI CITY- Nadagdagan pa ang bilang ng mga binawian ng buhay ngayong buwan ng Enero sa Rehiyong Bikol dahil sa nararanasang sama ng panahon.
Ito’y matapos na ma-recover na ang bangkay ng isang 58-gulang na mangingisda sa bayan ng Dimasalang, Masbate.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Gremil Naz, ang tagapasalita ng Office of the Civil Defense-Bicol, Enero 24 ng pumalaot ang nasabing mangingisda ngunit hindi na ito nakabalik pa hanggang sa madiskubre na malamig na bangkay na ito.
Ito na umano ang pang-sampung kaso ng mga namatay dahil sa patuloy na pag-uulan at malalaking alon na dala ng Shearline, Amihan at nang mga nagdaang Low Pressure Area.
Samantala, nagpapatuloy ang pakikipagtulungan ng ahensya sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Catanduanes para sa search and rescue operation sa dalawang pang mangingisda na nai-report ding nawawala na parehong residente ng Pandan, Catanduanes.
Sa kabilang dako, nasa 65 na mga pamilya pa o 307 na mga indibidwal ang nanantili pa hanggangngayon sa evacuation center o nakikituloy sa kanilang mga kapitbahay at kaanak sa probinsya ng Albay, Camarines Sur at sa Catanduanes.
Umabot na rin sa 277 ang kabuuang bilang ng mga pagbaha kung saan 21 dito ang hanggang ngayon ay hindi pa humuhupa ang tubig-baha partikular na sa mga lugar sa Camarines Sur at sa Sorsogon, habang 37 naman ang naitalang mga pagguho ng lupa.
Maliban rito, umabot na rin sa 29 ang bilang ng mga nasirang kabahayan kung saan 15 dito ang totally damage at 14 naman ang partially damage.