LEGAZPI CITY—Naobserbahan ang crater glow o “banaag” sa bunganga ng Bulkan Mayon, bandang alas-7 ng gabi nitong Miyerkules, Enero 7.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology Chief Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Mariton Bornas, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ito ay dulot ng pag-init ng atmospera sa ibabaw ng bulkan dahil sa lumalabas na init ng volcanic gas mula sa bagong expose na magma sa bunganga nito.
Ibig-sabihin ay inaasahang magkakaroon ng lava flow anumang oras kapag nag-destabilize ang labas ng bagong materyales o bagong lava sa bunganga ng bulkan.
Paliwanag ni Bornas na karamihan sa rockfall ngayon ay dahil sa may tumutulak sa bunganga na lumalabas ng bagong lava, at itinutulak nito ang mga dati nang mga nakaipon at lumang lava upang makalabas ang bagong lava flow.
Samantala, patuloy ang pagpapaalala ng opisyal na iwasan ang pagpasok sa 6 kilometer permanent danger zone lalo na sa timog na bahagi na bahagi ng bulkan dahil sa peligro ng volcanic hazards.
Inaabisuhan din ang mga residente na nasa loob ng 6 kilometer permanent radius zone ay dapat nang nakalikas at sumunod sa mga abiso ng mga lokal na pamahalaan.
Pinaalalahanan din nito ang mga turista na pumupunta sa Bulkang Mayon na huwag masyadong lumapit at mangyaring obserbahan na lamang ito sa ligtas na lugar.











