LEGAZPI CITY – Nag-iikot ang grupong Ban Toxics sa iba’t ibang mga lugar sa Pilipinas kaugnay pa rin ng panawagan nito sa responsableng pagtatapon ng toxic at medical wastes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ban Toxics campaigner Thony Dizon, sinabi nito na unang binisita ng grupo ang Tuguegarao City para sa Regional Inception and Validation Workshop.

Kasama ang Department of Health, mga kinatawan ng lokal na pamahalaan at mga ospital kung saan napag-usapan ang negatibong epekto ng iresponsableng pagtatapon ng mga medical waste na posibleng magdala ng sakit at kontaminasyon.

Partikular na dito ang mga gamit sa ospital tulad ng gloves, face mask, personal protective equipment, mga ginagamit sa pagbabakuna at iba pa na may negatibong epekto sa kapaligiran at sa kalusugan ng tao kung hindi itatapon sa tamang lugar.

Ipinagpapasalamat naman ng opisyal na naging maayos ang takbo ng pag-uusap kung saan nangako ang mga ospital at mga lokal na pamahalaan na magkakaroon ng maayos na sistema sa tamang pagtatapon ng medical waste na dapat na isailalim muna sa decontamination bago ilagay sa disposal facility.

Samantala, nakataka namang bumisita ang grupo sa Tacloban City at National Capital Region para sa kaparehong workshop.