LEGAZPI CITY – Ikinadismaya ng environmental group na Ban Toxics ang tambak ng mga basura na naiwan matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ban Toxics campaigner Thony Dizon, sa paglilibot ng kanilang grupo, kitang-kita ang tambak at nagkalat na mga basura sa kalye.
Karamihan nito ay mga basura na mula sa mga paputok, mga plastic at supot ng mga pinagkainan.
Ikinalulungkot ng grupo ang ganitong senaryo na mga basura ang sumalubong sa unang araw ng taon lalo pa at Zero Waste Month ang buwan ng Enero.
Samantala, muling nanawagan ang grupo sa gobyerno na magpatupad na ng ban sa mga paputok habang panawagan naman sa mga Pilipino na maging responsable sa kanilang mga basura.