LEGAZPI CITY– Hinimok ng isang Toxic Watchdog Group ang mga law enforcement agency at mga lokal na pamahalaan na paigtingin pa ang kampanya laban sa paggamit ng ilegal na paputok ngayong papalapit na ang Bagong Taon.

Ayon kay Ban Toxic Campaigner Thony Dizon sa panayam sa Bombo Radyo Legazpi, inaasahan nila na ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Department of Health (DOH) ay kabilang sa mga nangunguna sa pagsasagawa ng mas mahigpit na kampanya nito pati na rin ang mga lokal na opisyal dahil mahalaga ang kanilang mga regulasyon upang maiwasan ang anumang insidente na may kaugnayan sa paggamit ng paputok.

Patuloy din ang kanilang pag-monitor lalo na sa mga pamilihan at na tinatawag na ‘red areas’ kung saan may mga nakikitang nagbebenta ng ilegal na mga paputok.

Naglilibot din sila sa mga paaralan hagga’t mayroon pang pasok upang ipaalala sa mga kabataan ang mga panganib nito sa kalusugan.

Sinabi rin ng opisyal na mahalaga ang kampanya dahil sa taon-taon tumataas ang bilang ng mga insidente dahil sa paggamit ng paputok, na ang porsyento ay halos pawang mga kabataan.

Hinimok din nila ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak ngayong Pasko at sa Bagong Taon.

Hinihikayat din ang lahat lalo na ang mga kabataan na gumamit na lamang ng mga alternatibo bilang pampaingay sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon