LEGAZPI CITY – Sinimulan na ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSMO) ang pagsasagawa ng validation sa mga residenteng pwedeng maapektuhan ng lahar kung sakaling magkaroon ng malakas na pag-uran o sama ng panahon sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Eugene Escobar, Officer in Charge ng naturang tanggapan, nagkaroon ng paga-update ngayon sa risk mapping kung saan gumagamit na mga unmanned vehicles sa pagkuha ng mga larawan ng mga lugar na pwedeng daanan ng lahar.
Tinatawag ito na digital mapping na kayang makita ang eksaktong lokasyon ng mga bahay maging ang mga imprastraktura tulad ng dike, paaralan at mga kalsada.
Dahil dito mas makakagawa ng mas konkretong plano ang mga awtoridad at malalaman ang mga lugar na pwedeng maapektuhan ng lahar.
Oras na maisumite na ang listahan ng ‘lahar population’ mula sa mga lokal na pamahalaan sisimulan na ang pag-validate sa mga ito.
Bahagi ang naturang hakbang ng paghahanda ng lalawigan kung sakaling magkaroon ng bagyo o malakas na ulan na pwedeng magdulot ng pagbagsak ng mga volcanic debris lalo na ngayon na may mga panibagong deposito dagul sa pag-aalburoto ng Mayon.
Maliban, dito nakatakda rin na magsagawa ng dredding sa mga gullies upang walang makabara at confine lang sa ilog ang laha.
Sa inisyal na datos, tinatayang aabot sa 200,000 na katao ang pwedeng maapektuhan kung sakaling magkaroon ng lahar flow.