LEGAZPI CITY-Umabot sa double overtime ang bakbakan sa pagitan ng Gilas Pilipinas at New Zealand sa World Cup Qualifiers.

Hinabol ng New Zealand ang 1-point lead ng Pilipinas sa 3rd quarter at itinabla ang score sa 83 sa pagtatapos ng 4th quarter.

Pagpasok ng OT, naging gitgitan pa rin ang laban ng dalawang koponan hanggang sa nauwi ang unang OT sa all-93.

Pumasok ang 2OT na hawak ng New Zealand ang kalamangan sa unang dalawang minuto ngunit mabilis itong hinabol ng Pilipinas at ipinoste ang 97-96 sa kalagitnaan ng 2OT.

Dalawang minuto bago matapos ang laban, nai-angat ng Pilipinas ang kalamangan sa apat na puntos, 100-96 sa tulong ng clutch shots ni Justine Brownlee ngunit mabilis pa rin itong nahabol ng New Zealand at itinabla ang score sa 100, isang minuto bago matapos ang laban.

Kinalaunan, hindi na rin nakahabol ang Gilas matapos ang sunod-sunod na itinawag na foul para sa New Zealand, kasama ang isang inbound mistake sa huling bahagi, at tuluyang natapos ang laban sa 106-102.