LEGAZPI CITY – Nilooban ng mga armadong kalalakihan ang compound na pagmamay-ari ng isang tumatakbong kongresista sa Brgy. Batalay, Bato, Catanduanes.

Sinasabing natangay sa nasabing insidente ang humigit-kumulang P20 milyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Emsol Icawat, tagapagsalita ng Catanduanes Police Provincial Office, sinasabing siyam na katao na armado ng mahahabang kalibre ang pumasok sa bahay ni Eulogio Rodriguez.

Si Rodriguez ay dating alkalde ng Bato at tumatakbong independent candidate sa lone district ng island province.

Isa sa dalawang tauhan ang naabutan sa bahay at pinukpok pa umano ng baril habang nasa meeting de avance naman sa katabing-bayan ng Virac si Rodriguez nang mangyari ang insidente.

Samantala, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng kapulisan na tumitingin sa mga anggulo kung pagnanakaw o kung election-related.

Iniimbestigahan na rin ang ulat na umano’y nakasuot ng uniporme ng pulis ang mga suspek na lulan ng dalawang puting van.

PMaj. Emsol Icawat, tagapagsalita ng Catanduanes Police Provincial Office