LEGAZPI CITY – Nananawagan ngayon ng tulong ang pamilya ng dating komedyante na si Allan Padua o mas kilala sa tawag na ”Mura” nmatapos na masunog ang bahay sa Brgy. Tupas, Ligao, City sa Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay SFO1 Leo Buenafe, chief investigator ng Ligao Fire Station, natupok ang buong kabahayan ng komedyante at walang naisalba na mga gamit.

Nangyari ang insidente mga bandang alas-9:00 ng gabi kung saan tanging mga konkretong dingding lang ng bahay ang makikitang nakatayo.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, mayroong mga pumasok na bubuyog sa kanilang kisame at nangangagat umano.

Dahil dito ay naisipan ng ama ni Mura na si Juanito Padua na magpausok gamit ang bunot o balat ng niyog na mayroong baga ng apoy sa layuning mapaalis ang naturang mga bubuyog.

Subalit hindi namalayan na mayroong mga tumalsik na baga ng apoy sa kisame na gawa sa kahoy hanggang sa makita na lang na nasusunog na ito.

Sinubukan pa na apulahin ang apoy subalit dahil gawa sa light materials ang ilang bahagi ng bahay ay mabilis na kumalat ang apoy.

Hindi na rin tumawag ng bomber dahil hindi naman kayang makapasok ang fire truck sa dahilang liblib na ang naturang lugar.

Samantala, tinatayang aabot sa P243,000 ang kabuuang halaga ng pinsala sa naturang insidente ng sunog.