LEGAZPI CITY- Natupok ng apoy ang isang bahay sa Barangay Panay sa bayan ng Panganiban, Catanduanes.
Ayon kay Senior Fire Officer 2 Jesse Galang, Fire Marshall ng Bureau of Fire Protection Panganiban sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang naturang bahay.
Batay sa inisyal na imbestigasyon na apat ang nakatira sa bahay subalit ang padre de pamilya ay nangingisda ng mangyari ang insidente habang ang maybahay naman ay nasa kanilang kapitbahay.
Ayon sa mga testigo na nagsimula ang sunog sa kusina ng bahay.
Mabuti na lamang aniya na nagtulong-tulong ang mga kapitbahay sa pag-apula ng sunog kaya hindi na nadamay pa ang kalapit na mga bahay.
Hindi na umano nai-report ang insidente sa kanilang tanggapan dahil sa malayong lokasyon nito at kawalan ng signal sa lugar.
Ayon kay Galang na nalaman lamang nila ang insidente sa pamamagitan ng social media kaya agad na nagtungo sa lugar.
Batay sa pahayag ng may ari ng bahay ay nagpapatuyo umano siya ng isda sa pamamagitan ng pagpapausok at aminadong napabayaan ito.