LEGAZPI CITY – Inaalam pa hanggang sa ngayon ng mga awtoridad ang dahilan ng pinagmulan ng sunog sa isang bahay sa Agos, Polangui, Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay FSInsp. Mc Kevin Marqueses, Municipal Fire Marshal ng Polangui Fire Station, dalawang taon na umano na abandonado ang bahay matapos na lumipat na ang may-ari sa Bato, Camarines Sur.
Wala namang nasaktan sa insidente subalit nadamay na nasunog ang tatlong motorsiklo na nakaparada sa naturang bahay.
Ayon kay Marqueses, mahirap malaman kung ano ang pinagmulan ng sunog dahil wala namang kuryente ang bahay at ginagawa lang na paradahan ng naturang mga sasakyan.
Duda ng mga kamag-anak ng may mag-ari ng bahay na posibleng sinadya ang insidente.
Tinatayang aabot sa P22,500 ang pinsala ng sunog sangkot ang tatlong motorsiklo.
Panawagan naman ni Ardales sa publiko na agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang ganitong mga insidente upang agad na marespondehan.