Photo courtesy of DOST-PAGASA

LEGAZPI CITY – Napanatili ng Bagyong Quinta ang lakas nito habang kumikilos sa Hilagang-Kanlurang direksyon ng Philippine Sea.

Dakong alas-10:00 kagabi, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 820 km silangan ng Surigao City, Surigao del Norte o 775 km Silangan ng Guiuan, Eastern Samar na kumikilos hilagang-kanlurang direksyon at bilis na 25 kilometro bawat oras.

Dala nito ang hangin na umaabot sa 45 km/h malapit sa sentro at pagbugso na 55 km/h.

Batay sa ibinabang Severe Weather Bulletin #2 at forecast track ng DOST-PAGASA alas 11:00 ng gabi sa Oktubre 23, hilagang kanluran o kanluran-hilagang kanluran ang tatahaking direksyon ng Tropical Depression Quinta hanggang mamayang gabi.

Mula naman mamayang gabi hanggang Lunes, pa-kanluran ang magiging direksyon nito.

Posibleng tumama sa kalupaan ng Bicol Region o Eastern Visayas ang sentro ng bagyo sa pagitan ng Linggo ng gabi at umaga ng Lunes saka kikilos pa-kanluran habang nasa Southern Luzon area.

Inaasahang mapapanatili ng Bagyong Quinta ang lakas at aakyat sa kategoryang tropical storm sa loob ng 24 oras hanggang sa severe tropical storm category bago ang landfall.

Patuloy pa itong lalakas matapos dumaan sa Philippine archipelago hanggang sa pagtungo sa West Philippine Sea.

Asahan na rin ang mahina hanggang sa katamtaman at kung minsan malakas na mga pag-ulan sa maghapon sa malaking bahagi ng MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, at Mindanao dulot ng trough ng Bagyong Quinta at Saudel na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Magpapaulan rin ang stationary front sa pinakadulong bahagi ng Hilagang Luzon na iniuugnay sa northeasterly surge na nakakaapekto sa Batanes, hilaga ng Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands, at hilagang bahagi ng Apayao at Ilocos Norte.

Sa ngayon, wala pang nakababalang tropical cyclone wind signal sa bansa dulot ng sama ng panahon subalit maaring magtaas ng TCWS #1 sa ilang lugar sa Bicol Region at Eastern Visayas ngayong araw bilang paghahanda sa malakas na hangin sa mga lugar na dadaanan ng Quinta.

Nakababala na rin ang gale warning sa seaboards ng Northern Luzon, at western seaboards ng Central Luzon, Batangas, Occidental Mindoro, at hilagang Palawan kabilang ang Calamian at Kalayaan Islands dahil sa masungit na karagatan na may along mula2.8 hanggang 6.0 metro ang taas.

Habang katamtaman hanggang sa masungit na karagatan rin ang iiral sa western seaboard ng katimugang Palawan at eastern seaboards ng Central at Southern Luzon na may alon na mula 1.5 hanggang 2.5 metro ang taas.

Mapanganib ito sa paglalayag ng maliliit na sasakyang-pandagat kaya’t payo ang pagsunod sa precautionary measures.

Patuloy ang pag-alerto sa mga disaster management councils ng mga lugar na posibleng makaramdam ng epekto nito.