LEGAZPI CITY- Ipinagpapasalamat ng mga residente ng Catanduanes na walang gaanong naging epekto ang Bagyong Amang kahit pa nag landfall ito sa bayan ng Panganiban.
Ayon kay Catanduanes PDRRMO Operations Head Robert Monterola sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mga pag-ulan lamang ang naramdaman sa naturang lalawigan.
Pinawi rin nito ang pangamba ng publiko dahil hindi umano nagkaroon ng mga pagbaha kahit pa sa isang barangay sa bayan ng Panganiban na karaniwang umaapaw ang tubig sa tuwing masama ang lagay ng panahon.
Hindi rin aniya lumikas ang mga residente dahil mahina lamang ang hangin na dulot ng naturang sama ng panahon.
Sa kabila nito ay binigyang diin ng opisyal na matinding paghahanda ang kanilang ginawa upang masiguro na ligtas ang lahat ng mga residente.
Samantala, sakaling ma-lift na ang nakataas na tropical cyclone wind signal sa lalawigan ay inaasahang babalik na rin sa normal ang pasok ng mga mag-aaral.
Nabatid na nagsi-uwian rin ang mga pasahero na ba-biyahe sana upang hindi na ma-stranded sa mga pantalan sa lalawigan.