LEGAZPI CITY – Pahirapan ang isinasagawang contact tracing ngayon sa Albay dahil sa binagong proseso o sistema ng pagpapaalam ng Department of Health (DOH) Bicol sa mga nakakasakop na lokal na pamahalaan sa mga latest coronavirus cases.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Provincial Health Officer Dr. Antonio Ludovice, hindi kompleto ang detalye ng mga bagong nagpositibo kaya’t mahirap ang pagtukoy sa mga posibleng nakasalamuha o nagkaroon ng exposure dito.
Kabilang sa mga inihayag na concern ang kawalan ng pangalan ng COVID-positive, walang exposure, kawalan ng history of travel at petsa kung kailan nagpakonsulta at nakapag-contract ng virus.
Delayed rin ang paglabas ng mga resulta ayon kay Ludovice.
Nangangamba ang opisyal na kung asymptomatic ang karamihan sa mga ito, posibleng makahawa sa iba ng hindi nalalaman.
Nilinaw man ni Ludovice na nauunawaan ang dahilan ng delay dahil sa pagod at overworked nang health workers subalit apela nitong ibalik ang dating sistema upang maging epektibo ang hakbang sa pagkontrol sa COVID-19.
Sa kasalukuyan, nasa 333 na ang kabuuang kumpirmadong nagpositibo sa COVID-19 sa Albay habang 14 naman ang namatay.