LEGAZPI CITY – Isang bagong tayong gusali sa Albay ng Ziga Memorial District Hospital ang paglilipatan ng mga persons under investigation (PUI) ng coronavirus disease (COVID-19) alinsunod sa mga rekomendasyon ng Department of Health (DOH).
Dadalhin sa pagamutan ng Tabaco City maging ang mga nagpapamalas ng mild symptoms na isinailalim sa testing at naghihintay ng resulta.
Ayon kay Dr. Antonio Ludovice, provincial health officer ng Albay sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, napagdesisyunan ito ng mga local chief executives upang maiging maobserbahan.
Bagong-bago pa ang dalawang palapag na gusali na may 26 na kwarto na halos kompleto na umano para mag-accomodate ng mga PUIs.
Tutungo naman si Provincial Engineering Office head Engr. Dante Baclao para sa inspeksyon sa iba pang aayusin subalit may suplay na rin ng tubig at kuryente.
Giit pa ni Ludovice na ginawa ito ng pamahalaan upang mapawi ang mga pangamba sa pananatili ng mga PUIs sa bahay.
Samantala, nilinaw naman ni Ludovice na nagpahayag na si Mayor Noel Rosal na maghahanap na lang ng malapit na area sa Legazpi City upang pagdalhan ng mga PUIs at persons under monitoring (PUM).
Mapapalayo umano kasi kung ilalagay pa sa Tabaco ang mga ito.
Sakaling magnegatibo sa tests, papauwiin rin umano ng bahay ang mga ito at sasailalim sa home quarantine subalit babantayan kung may mga makikitang panibagong sintomas o paglala.
Maging ang mga kasama nito sa bahay ay oobserbahan.