LEGAZPI CITY – Hinatulang guilty sa kasong Murder at 2-counts ng Attempted Murder ang binatilyong itinurong nasa likod ng pamamaslang kay Teacher Mylene Durante at pananaksak sa dalawang noo’y Grade 6 pupils na kasama nito sa loob ng eskwelahan sa Pioduran, Albay.
Nakasaad sa desisyon ng Ligao City Regional Trial Court Branch 13 na pinapatawan ng sentensyang pagkakakulong mula 10 hanggang 17 taon ang binatilyo, maliban pa sa anim na buwan hanggang sa dalawang taon sa bawat bilang ng attempted murder.
Higit P5.2 million rin ang hinihinging bayad-pinsala sa pagkamatay ni Teacher Mylene at tig-P75, 000 naman sa bawat count ng inihaing kaso ng dalawang estudyante.
Pagbabahagi ni Jun Villa, dating kamag-aral sa Master’s Degree at tiyuhin ng asawa ni Teacher Mylene sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ipinagpapasalamat nito ang mabilis na gulong ng hustisya, isang buwan bago ang death anniversary ng guro.
Subalit hindi pa rin aniya maiwaglit ang sakit na idinulot ng pangyayari lalo na sa naiwang pamilya ni Mylene.
Kung babalikan, Oktubre 9 noong nakaraang taon nang paslangin si Teacher Mylene sa Oringon Elementary School na nagtamo ng higit 20 saksak.
Nagawa pa nitong mailigtas ang dalawang estudyante na kasamang natutulog sa paaralan nang sumalakay ang akusado na 17-anyos pa lamang nang isagawa ang krimen.