LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol na labis na kalungkutan ang nakikitang dahilan ng pagkamatay ng batang balyena na natagpuan sa dalampasigan ng Bacacay sa lalawigan ng Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Nonie Enolva, tagapagsalita ng BFAR Bicol, Bryde’s whale ang klase ng natagpuang batang balyena na may habang apat na metro.

Ayon kay Enolva, batay sa ginawang necropsy sa labi ng balyena, wala namang nakitang dumi o parasite sa loob ng tiyan ng hayop habang kagat ng maliliit na klase ng pating ang nakitang mga sugat sa katawan nito.

Hinala ni Enolva na nawalay ang balyena sa kanyang ina kaya’t nalungkot ito at nagutom dahil dumedede pa umano ito sa hanggang sa bawian na ng buhay.

Samantala, nabatid na ito na ang pangatlong beses na may natagpuang patay na balyena sa lalawigan na indikasyon lamang umano na malinis at maganda pa ang kalagayan ng tubig kaya’t may mga nakikita pa ring ganitong klase ng hayop sa lugar.