LEGAZPI CITY—Natagpuang palutang-lutang ang katawan ng isang babaeng wala nang buhay sa Busay sa Sitio Parina, Barangay Balasbas sa bayan ng Manito, Albay.
Ayon kay Manito Municipal Police Station Investigator on case Police Executive Master Sergeant Rolan Almanza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, natagpuan ng mga mangingisda ang katawan nito sa lugar at dito nakita na wala nang buhay ang biktimang 53-anyos.
Batay sa kanilang mga nakausap sa lugar, parating naglalakad sa kalsada ang biktima dahil may sakit umano ito sa pag-iisip.
May bitbit din aniya itong bag na naglalaman ng mga prutas, tsinelas, sako at iba pa.
Batay sa physical examination ng doktor, may pasa sa likod ng ulo at nagtamo ng laceration ang biktima.
Dagdag pa ng opisyal, may daanan umano ang biktima sa lugar patungo sa Sitio San Jose, Barangay Nagotgot ng nasabing bayan kung saan ito umuuwi, ngunit posibleng nadulas ito sa tubig dahil sa malalaking bato rito kaya maaaring ito ang dahilan ng kanyang pagkamatay.
Malalim din aniya ang lebel ng tubig at malakas ang daloy nito kaya posibleng ito ang nangyari.
Aniya, walang foul play nang mangyari ang insidente.
Kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa mga kaanak ng biktima para na rin sa maayos na disposisyon nito.
Samantala, nagbabala ang opisyal sa publiko na sakaling may mga kakilala silang nakararanas ng sakit sa pag-iisip ay huwag nila itong pabayaan, at dapat na humingi ng tulong sa mga local government units at ahensya upang sila ay magamot.