LEGAZPI CITY-May average na 8 hanggang 16 na bagyo ang inaasahan sa buong bansa bago matapos ang taon.
Ayon kay Masbate Weather Specialist Christian Allen Torevillas, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, base sa datos karamihan sa mga bagyo ay dumadaan sa Pasipiko at tumatama sa Northern Luzon ngunit palagian itong nagre-recurve.
Dagdag pa niya, sa kasalukuyan, walang binabantayang Low Pressure Area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Inaasahan ang mga posibleng pag-develop ng bagyo sa mga darating na linggo.
Inaasahan din ang posibleng pagpasok ng bagyo na may range na 8 hanggang 16 base sa normal na datos.
Ang pinakamaraming bagyo na dumadaan sa isang buwan ay pagsapit ng Hulyo, Agosto, at Setyembre, ngunit madalas din itong nagre-recurve.
Ang rehiyon ng Bicol ay higit na direktang naapektuhan ng Hanging Amihan sa mga buwan ng Nobyembre at Disyembre.
Aniya, may posibilidad din na magkaroon ng madalas na pag-landfall sa Northern Luzon sa buwan ng Agosto at Setyembre.
Sa rehiyon ng Bicol, mayroon ding mga landfall na inaasahan sa mga buwan ng Oktubre, Nobyembre at Disyembre.
Sa kasalukuyan, patuloy din ang pagbabantay ng ahensya sa hanging habagat na nakakaapekto sa ilang bahagi ng bansa lalo na sa Northern Luzon.
Samantala, sa Bicol region asahan ang kalat-kalat na pag-ulan, at pagkidlat sa hapon o gabi.
Pinapayuhan ang lahat na mag-ingat at magbantay sa mga weather updates sa social media o DOST-PAGASA broadcast sa umaga at hapon.