LEGAZPI CITY- Matapos ang pagkakasungkit ng gintong medalya sa 4th Asian Para Games na ginanap sa China noong nakalipas na taon ay nagpapatuloy pa rin ang training ng ilan sa mga national athletes ng bansa.

Kabilang sa mga ito ang Paralympian swimmer na si Ernie Gawilan na puspusan na ang paghahanda para sa papalapit na 2024 Paralympic Games na gaganapin sa Paris, France sa darating na Agosto hanggang Setyembre.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa naturang atleta, naka-focus umano ang atensyon ng team Philippines sa pinakamalaking sporting competition ngayong taon.

Kwento pa ni Gawilan na malaki ang pagbabago na nangyari sa kaniyang buhay simula ng pumasok ito sa mundo ng palakasan dahil tila nagkaroon aniya ng pag-asa ang kaniyang buhay.

Dagdag pa nito na ang paglangoy ang naging susi sa pagkakaroon niya ng kumpiyansa sa sarili sa kabila ng kaniyang kapansanan.

Aniya ang dedikasyon sa napiling karera at pagiging masaya sa propesyon ang nagiging daan upang mas hubugin pa ang kakayanan at magtagumpau sa napiling larangan.

Samantala, target nito na muling makasungkit ng medalya at patuloy na makapagdala ng karangalan sa bansa.