LEGAZPI CITY- Kinumpirma ni Guinobatan Mayor Paul Chino Garcia na nakapagtala ng ashfall event mula bulkang Mayon sa ilang mga barangay sa kanilang bayan, kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Garcia, nakita ng mga residente an abo ngunit hindi naman umano masyadong halata dahil agad itong sinundan ng pag-ulan.

Dahil sa nangyari, nagpatawag na ng meeting an Local Government Unit ng Guinobatan sa mga opisyal ng kada barangay upang mapag-usapa ang pagpapalakas ng disaster response.

Aniya, sakaling lumala pa ang sitwasyon at ng pag-aalburoto ng bulkan, maraming mga residenre pa mula sa apat hanggang limang mga barangay ang kakailangang ilikas.

Sa kabila naman ng naging pasasalamat ng opisyal sa naranasang pag-ulan na pinaniniwalang pumigil sa pagkalat ng abo, mahigpit pa ring binabantayan ng mga tauhan ng LGU ang mga ilog na posibleng daanan ng mga volcanic materials sakaling magkaroon ng lahar.

Kaugnay nito, nagpapatuloy ang dredging program ng LGU Guinobatan upang maalis ang mga aggregates na nakabara sa mga ilog at upang malaki ang dadaanan ng posibleng lahar flow, at nang maiwasan ang malaking epekto nito.