LEGAZPI CITY- Kinumpirma ng alkalde ng bayan ng Camalig, Albay na may nakita ang mga residenteng maninipis na abo mula sa patuloy na nag-aalburotong bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Camalig Mayor Caloy Baldo, kahapon nang makita ang makakapal na ulap na patungo sa direksyon ng kanilang bayan partikular na sa mga barangay ng Salugan, Sua at hanggang sa sentro.
Pinaniniwalang may halong abo ang naturang mga ulap dala ng Pyroclastic Density Current o Uson.
Ayon sa opisyal kahit pa maninipis lamang ang nakitang abo ay hindi pa rin maaalis na peligroso ito sa katawan at sa kalusugan.
Dahil dito, patuloy na pinaghahanda ang mga residenteng na nasa 7-8km Extended Danger Zone sa posibleng evacuation sakaling magpatuloy at lumala pa ang aktibidad ng bulkan.
Samantala siniguro naman ni Baldo na mas mahigpit na ngayon ang pagbabantay at pagmomonitor ng kapulisan sa loob ng 6km PDZ upang masigurong wala nang mga pasaway na mga residente ang makakabalik sa kanilang mga bahay.
Ito’y kaugnay nang nadiksubre ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na 50 pamilya na bumalik at nanatili sa kanilang mga bahay sa PDZ sa kabila ng abnormalidad ni Mayon.