LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Albay Provincial Veterinary Office na nakarating na sa bayan ng Daraga ang nakamamatay na sakit para sa mga baboy na African Swine Fever (ASF).

Nabatid na Pebrero 18 o dalawang araw bago ang pagpositibo ng mga baboy sa ASF mula sa Bombon, Camarines Sur, ilang baboy mula sa bayan ang ibiniyahe sa lalawigan.

Ibinunyag ni Provincial Veterinarian Dr. Pancho Mella sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, naalarma ang tanggapan nang makita sa record ng animal quarantine checkpoints ang pagpasok ng mga naturang baboy kaya’t agad na hinanap ang mga ito.

Natunton ang apat pang buhay na baboy sa Brgy. Kilicao, na inilagay sa slaughterhouse at kinuhanan ng samples kung saan lumabas na positibo rin sa ASF ang mga ito.

Kasunod nito, idineklarang “ground zero” sa ASF ang Brgy. Kilicao habang “on hold” sa paglalabas at pag-angkat ng baboy ang mga barangay ng Malobago, Binitayan, Alcala at Tagas na sakop ng 1-km radius.

Kahapon, kumuha ng blood samples ng tigli-limang baboy mula sa mga naturang barangay habang isinailalim na sa culling operation ang mga nagpositibo.

Payo pa ni Mella ang paghihigpit sa biosecurity measures, pag-disinfect at paglilinis sa mga kulungan ng baboy.

Wala pa naman aniyang “clinical manifestation” na nahawaan na ng sakit ang mga baboy sa mga barangay kaya’t umaasang magnenegatibo sa test ang mga ito.